Madalas nilang sabihing ang pamamahayag ay kinakailangang responsable at makabuluhan. Lahat tayo ay may kakayahan subalit ito ay produkto ng tuloy-tuloy at malalimang pagsasanay para matutuhan hindi lamang ang paggamit ng wika sa komunikasyon kundi pati na rin ang malalimang pagsusuri sa mga pangyayari.
Ito ang pagkakataong ibinahagi ng Alabel National High School sa mga mag-aaral. Sinong mag-aakalang ang simpleng estudyante ay magiging isang batang preskon. Mula sa magagaling at maaalagang mga tagapagturo sa Journalismo at sa bawat pagkakataong iginugol sa kampus para mag-ensayo, ang bawat batang mamamahayag ay natuklasan ang talento sa pagsulat, natutong mapaunlad ang sarili, ang gabay at pag-akay ng paaralan ang lubos pang nagpatingkad sa paglalakbay na ito.
Photo Courtesy of Mankaye Escobillo |
At muli na namang nag-ingay ang Alay ng Sarangani at Sarangani Tribute sa ginanap na 2020 National Schools Press Conference sa Tuguegarao City noong buwan ng Marso. Itinanghal bilang 2nd Place sa Pahina ng Pagsulat mg Balita, 5th Place-Best Feature Page at 5th Place-Best Lay-out and Page Design. Ang pagkakataong ito ay nagbigay muli ng karangalan hindi lamang sa paaralan kundi pati na rin sa lungsod ng Alabel at sa buong Rehiyon Dose.
Ang kanilang paglalakbay bilang mga batang mamamahayag at school paper advisers ay nagbigay sa kanila ng nagsalimbayang karanasan at kasiyahan na siyang naghulma at sa kanila ay nagturo na hindi masama ang minsang madapa. Sa bawat kompetisyon, hindi man palaging naiuuwi ang titulo na dalangin ng bawat isa, sa kanilang paglalakbay, hindi ito nangangahulugang sila ay talo. Sa kanilang paghawak ng kanilang papel at pluma bilang sandata at mga salita bilang bala, kaakibat din nito ang pagsasapuso na sa larangang pinili nilang tahakin ay may dalang kaalamang panghabambuhay nilang madadala at hindi matatapos lamang sa bawat kompetisyon.
Photo Courtesy of Mankaye Escobillo |
Sa patuloy na pag-inog ng mundo, hayaan ang plumang mailathala ang mga kaisipang hindi kayang imutawi ng bibig. Gaano ba kamakapangyarihan ang pluma? Kaya lang naman nitong bumuo ng isang panibagong pahina sa kasaysayan. Maraming papel pa ang maaalpaa, mga tintang maipamamalas, Ang Alay ng Sarangani ay patuloy pang lalakad pasulong, magliliyab at gagabay sa mga batang mamamahayag.
Maraming salamat Ang Alay ng Sarangani at aking nailathala ang paglalakbay na sa akin ay minsang mong ibinahagi, itong aking pluma, sa iyo'y aming alay.
No comments:
Post a Comment