"When I grow up, I will travel around the world."
Sa isipan ng kabataan, madalas pa sa madalas nilang ninanais ang malibot ang buong mundo. Maraming mga pagkakataong pinangarap nilang makalakbay sa iba't ibang bansa. Bukambibig nila ang makarating sa bansang Korea at makita ang iniidolong KPOP stars. Makaabot sa France, masilayan ang Eiffel Tower at lasapin ang mga masasarap na pagkain. Makapunta sa Cambodia para makita ang Angkor Wat o bisitahin ang pinakamalaking istatwa ng Buddha sa Tsina. Mabusog ang mga mata sa museo ng Louvre, masilayan ang Mona Lisa, ang iba'y pinapangrap pang makatungtong sa tuktok ng Mt. Everest at marami pang pook na may gilalas na tinatangi.
Subalit sa isang simpleng mag-aaral at malayo-layo pa ang tatahaking daang para maisakatuparan ang mithiing ito, kahit pa yata buong buhay na 'di gastusin at ipunin nalang ang kakarampot na allowance na binibigay ng mga magulang ay sobrang kukulangin.
Gayunpaman, hindi nila batid na mas masaya ang kanilang araw-araw na paglalakbay dahil marami sila sa pamamasyal na ito. Ang kanilang paaralan, ang kanilang mundo. Ang Tsina ay ang school entrance kung saan sasalubong ang istatwa nina Jose Rizal at iba pang magigiting na mga bayani. Ang school canteen ay ang bansang France kung saan naamoy ang masasarap na pagkaing aming binibili. Ang speaker sa tuktok ng admin office ay mala Eiffel Tower sa tayog nito. Ang kanilang school ground ay ang Piazza Navona sa Italya kung saan napakaraming mga bisita, kaibigan at mga mag-aaral ang nagkukumpolan para magkwentuhan. Ang silid-aralan ang tuktok ng bundok Everest kung saan tumatayog ang kaalaman ng bawat mag-aaral. Ang kanilang guro ay tila si Mona Lisa sa ganda't ngiti nitong dala. Hindi lamang iyan, sa buong paligid ng paaralan ay mala-Korea, makasasalubong mo ang iba't ibang mag-aaral na tila KPOP stars sa gwapo't ganda.
Sa pagtayo mo sa paaralan, tila nalibot mo na ang buong mundo. Sabi nga ng isang manunulat, "Ang tunay na daigdig ay hindi laging isang napakalaking bato na nakalutang sa kalawakan. Minsan, ito'y sinliit lamang ng puso."
Sa paaralan, dito matatagpuan ang kakaibang mga karanasan at kasiyahan. Dito ang unang hakbang upang mga mithiin ay maisakatuparan. Ikaw? Naparito ka na ba? Kung oo, sinong mag-aakalang noon mo pa pala nalibot ang mundo.
Great job, Karen!
ReplyDeleteThanks, kuya!
ReplyDelete